Wednesday, March 14, 2012

SARI-SARING KUWEN-THOUGHTS: Ang Simula



Andami kong gustong isulat sana kaso wala akong sapat na lakas ng isipan para pigilan si Angkol Peysbuk sa paglantak niya sa aking ginintuang panahon...Linsiyak! Ano ba itong nangyayari sa akin? Hindi naman ako ganito magsulat dati.

Hmmmn... Wala lang talaga akong maisulat pa sa ngayon na medyo may dating (di bale sanang walang dating basta't may datung). Inaamin ko, pinipilit ko lang pigain ang aking utak baka-sakaling may asim, tamis, at anghang pa ang aking hamak na creative juice pero sa kasawiang palad, mukhang na-El Nino na...

Pero bakit nga ba naisipan kong gawin ang blog na 'to?

Wansapanataym, magmula nang nahilig ako sa pagsusulat ng daniw o tulang Iluko/Iloco/Ilokano simula noong Buwan ng mga Puso, taong 2010, bibihira na akong magsulat sa Tagalog o Filipino. Puro Ilokano na lahat ang istatus, tala, at mga komento ko sa peysbuk. Pati sa text messaging, kapag kapwa ko Ilokano, purong Iluko rin ang ginagamit ko (nagrereklamo na nga ang karamihan sa kanila dahil nahihirapan daw silang mag-reply gamit ang sarili nilang salita).

Kaya naman napakadali kong natutunan ang Ilocano ortography o yung tamang pagsulat ng mga salita sa ilokano. Halimbawa, ang salitang diksyonaryo at kwarto, magiging diksionario at kuarto pag isinulat sa Iluko. Papalitan ng letrang "i" yung "y" at ganun din yung letrang "w" na papalitan ng "u". Ilan lang 'yan sa mga natutunan ko.

Hanggang diyan lang muna ang aking maibabahagi dahil mahirap maglektyur tungkol diyan. Kinakailangan kasi na interesado at nakakaintindi ng Ilokano ang pagbabahaginan. Higit sa lahat, pinakamabuti kung may demonstrasyon at interaksyon sa pagitan ng nagtuturo at tinuturuan. Kuha niyo?

Mahigit dalawang taon din akong nagbabad sa pagsusulat sa aking mother tongue at masaya naman ako dahil nakapaglathala na ako ng ilang daniw sa Bannawag Magazine at nanalo na rin sa ilang patimpalak sa pagkatha ng tula o daniw. Pero nalungkot ako ng madiskubre kong nahihirapan na pala akong magsulat sa Filipino at Ingles! Kinalawang na pala ang mga pinag-aralan ko ng mahigit sampung taon sa loob ng silid-aralan...

Kaya heto ako ngayon, muling hinahasa ang aking kaalaman sa wikang Filipino. Na-miss ko tuloy bigla yung pagtuturo ng titser namin noon sa asignaturang Filipino noong hayskul pa ako. Nag-asawa na kaya siya? Siguradong daig pa ng lalaking pinagpala ang tumama sa Lotto sa kabaitan at kagandahan niya.

Bahala na kayong mag-isip kung gaano siya kabait at kaganda basta't ang masasabi ko lang, boses pa lang niya ang iyong marinig, parang idinuduyan ka na sa alapaap... Balbon pa lang niya sa binti ang iyong masulyapan, parang nasulyapan mo na rin ang pintuan ng langit!

No comments:

Post a Comment